Ang Dalaga
Ang dalaga ay bagyo,
Pulsong bumubugso,
Pilipit na mga puno
Sa sidhi ng tingin.
Anong mahinhin?
Lilang prosang bigkas sa kanya’y
Rosas, ngunit pikit sa libo niyang
Tinik at tikas, ang dahas ng
Babaylan.
Kahon sa romansa,
Sa gandang sumasakal,
Hindi bingi, ngunit pipi,
Hinihipan ang sindi.
Ano pa ang dalaga
Kundi’y alab at ambisyon
At talino, at ngiti, at lungkot,
At bolo?
Hiling sa kanya’y pasibong
Pagsinta, pulang labing
Dalisay at sekswal,
Hindi tao, kundi imahe.
Totoo ba?
Lumuhod sa galit Ng dalaga.
Comments
Post a Comment