Sa Tagpuan

Noong nakaraan ay binilhan
Kita ng sikreto. Tinuklap mo
at itinago sa balat.
Patingin nga ng ilalim ng
Dila mo’t gusto kong
Makasigurado; ilihim
Mo pati sa iyong ulo.

Pagkatapos,
Pumarito ka sa tagpuan.
Halika’t titirisin natin ang
Dulo ng santan,
Hihigupin ang tamis.

Gagawin natin silang kwintas
At isusuot sa ngipin.
Sisiksikin natin ang hardin
Sa gitna ng mga daliri at
Paiikutin natin.

Tatakbo tayo; sasayaw sa
Lupa ng laguwerta; titirintasin
Natin ang buhok ng
Maliligalig na memorya.

Pagsibol at paglaya.

Ang tagpuan ng santan ay
Bubungad sa iyo.

Kaya mo bang
Lumunok ng sikreto?

Comments

Popular Posts